SUKLI

Isang kwento ng pagsinta, sinulat ko magdamag

at kahit na anung pilit ay tila ba duwag

sa pagsabi sa kung anumang nararamdaman

ako’y mahirap kausapin at ito ang tanging paraan

upang ipadama sa’yo ang pagibig kong taos

sa puso, at kahit na ika’y sumuko ay hinding hindi magtatapos

dahil alam kong balang araw may sukli ang pagsinta

at muli kong maririnig ang salitang “MAHAL KITA” ^^

Pa’no ko sasabihin ‘to? (last part)

EHEM for the last time…

At sa pagkakataong ito, papatunayan ang nilalaman

ng puso na nangangakong taos magpakailanman

ang tibok at sigaw na hinding hindi mapapaos

at kahit na anung galos ay hinding hindi matatapos

ang pagibig kong taos na binulag ng pait

na pinilit kong patunayan kahit mata’y nakapikit

dahil pangakong balang araw, ako’y magbabalik

upang ituwid ang gusot na nilamukot ng sakit

at nang maling pagaakala na nilamatan ang pagsinta

na hindi sumagi sa isip na bubulag sa’yong mata

na pilit kong binabago, sa pamamagitan ng tinta

upang sa pinakahuling punto ay masabi kong “MAHAL KITA”. :)

Pa’no ko sasabihin ‘to? (3rd part)

EHEM pa more…

Ang tamis ng pagsasamang walang itulak-kabigin

nanatiling buhay kahit na tuyo na’ng damdamin

na humihiyaw, nagdadabog, di makatulog ng mahimbing

hindi malayong ibangga, iuntog ang ulo sa dingding.

Upang magising, matauhan sa pangyayaring naganap

ngunit di masikmuraan ang sakit na tinanggap

dahil kahit pa sabihing di ko maiintindihan

ako’y katulad mong tao rin, nalulungkot, nasasaktan.

Nagmumukmok, natatakot, pinanghihinaan ng loob

pinagsisigawan ng dibdib, inuunahan ng kutob

ang isang taong walang tino, naturingang walang utak

dahil puso ang pasimuno at bibig ang tumutulak 

sa kanya upang katagang “mahal kita” ay banggitin

sa isang prinsesa na halos di nya kayang abutin

dahil sa taas ng estado ay di ko kayang liparin

nahihirapan man ay tila desididong baliktarin

ang kwento na pinatatakbo ng ginto at salapi

na sa maling pagaakala’y napagkakamalang sanhi

upang magbago ang pagtingin, pagaakalang nilikha

tingin nya pala saki’y mapagsamantalang dukha.

Na hindi ko matanggap, halos madurog ang dibdib

ito pala ang pasakit ng mapaglarong daigdig

na tumapos sa mga pangarap na ikaw lamang ang kabiyak

at sa mga panaginip ko’y walang lungkot, walang iyak….

Pa’no ko sasabihin ‘to? (2nd part)

EHEM ulit..

Ngayo’y nagbabalik, pilit kang kinakamusta

nanumbalik ang ngiti na di halos maipinta

matapos ang pagtitinginang tila naudlot

ilang beses kong inisip ngunit di makita ang sagot.

Di alam ang sasabihin, bingi sa katahimikan

kasalukuyang nakabinbin, nakatatak sa isipan

ang tanong kung bakit biglang umalis at iniwan

may pagkukulang din ako, ba’t ‘di natin pagusapan?

Nakipagsapalarang umibig at dagliang binigo

ito pala ang pakiramdam ng pagluha ng dugo

may gumugulo sa isipan, “bakit laging ganito?”

"bakit di kayang matumbasan ng putik ang ginto?"

At bakit parang di pa rin malinaw ang lahat

may balakid sa pagibig ng sagana at salat

na sa tuwing maiisip, dagling napapatahimik

itatanong sa sarili, “ganito ba talaga ang pagibig?”

Hindi ako bagay sa’yo dahil langit ka at lupa ako

na kahit na anung habol ay di kayang ipagtagpo

dahil sa bawat hakbang ko, dagli kang lumalayo

upang ipamulat sa akin ang damdaming balat-kayo

na noong una’y inakala kong pagibig mo’y wagas

ngunit biglang pinaranas ang sakit nang magwakas

ang kwento ng pagibig na inakalang magtatagal

na ilang libong beses kong sa taas pinagdasal.

At nang makita ka akala ko’y ikaw na ang sagot

sa bawat letrang dinalangin ng pagkatao kong takot

na maranasan ang sakit nang mabunutan ng tinik

at nang lumisan ka tila ang sakit ay nagbalik.

Namutawi ang lungkot, nanumbalik ang tamlay,

di nagatubiling sinabing nais mong humiwalay

ng landas na tatahakin sa pagdating ng panahon

at nangangakong hinding hindi sa limot ibabaon….

Pa’no ko sasabihin ‘to? (1st Part)

Gumawa ako ng tula noong panahong wala akong ginagawa. Inspirado ako dahil may naramdaman akong sakit habang ginawa ko ito. Pakibasa sa paraang parang nagbabasa ka ng lyrics na may puntong patula. Pa’no ko sasabihin ‘to? eto yung sagot…

EHEM..

Matagal ko nang inisip kung paano ko isusulat,

kung paano ko sasabihin, kung paano ko isisiwalat.

Ang damdaming matagal ko nang nais ipakalat

katulad ng animo’y isang makisig na pagbanat

ng binatang kinakabog, kumakawala sa damdamin,

pagnanais sa dalaga ngunit di kayang sabihin,

dahil oras na masabi ay di na kaya pang bawiin.

kaya idadaan sa sulat, gagawing isang awitin 

na kakabisaduhin, lalagyan ng tono at tugma,

Bibigyang kulat at buhay upang sinisinta’y matuwa,

simpleng paraan upang ang pagibig na sinumpa

ay mapabatid kahit na ang puso’y madapa

sa paghabol sa kung anumang naisin ng isipan

dahil kahit na anung pilit ay di magawang abutan

ang bilis ng pangyayari nang bigla mo akong iniwan

sa kalagitnaan ng yakap ay bigla ka na lang lumisan…

Makita ka lang kahit kilometrong lakad ay matitiis,

na di matumbasan ng gutom na buong araw kong tiniis.

Pagibig ko’y higit pa sa laman ng wallet ko na manipis,

na di pa rin sapat upang ihambing ang tubig sa langis

na kumakatawan sa pagibig sa pagitan nating dalawa

na sa pagihip ng hangin ay bigla nang nabura.

Natatakot mang sabihin ay nanumbalik ang kaba

na sinubukan kong itago ngunit di ko magawa.

At sa pagkakataong ito, pilit kong sasabihin

ang paalam na salitang di ko sukat akalain

na muling sasambitin kahit labag sa damdamin

ang masakit na katotohanang ako’y iyong lilisanin…